26 nalason sa palabok
MANILA, Philippines – Nadala sa pagamutan ang 26 katao matapos umanong malason sa kinaing palabok kamakalawa sa Ligao City, Albay.
Kabilang sa mga nalason ay mula sa pamilya Revidad, Sacobon at Roncales; pawang residente ng Brgy. Tuburan at Paclibar at ang pamilya Tagle, residente naman ng Brgy. Layon; pawang ng lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, bago nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon ay bumili ng palabok ang mga biktima sa AC Pancit Malabon sa Mc Kinley St., Ligay City.
Matapos ang ilang oras na ito ay makain dumaing nang matinding pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka at pagtatae ang mga biktima kaya’t agad na isinugod sa pagamutan.
Sa inisyal na pagsusuri ng mga manggagamot, acute gastrointeritis ang nakitang sanhi ng pagkakaratay sa pagamutan ng mga biktima.
Sinuri naman ng mga health officials ang sample ng palabok upang mabatid kung may kinalaman ito sa pagkalason.
- Latest