MANILA, Philippines - Hindi umano magigiba ang Liberal Party katulad ng mga haka-haka at kami ay nasa likod ng kandidatura ni Secretary Mar Roxas.
Ito ang ipinahayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., matapos ilang kampo ang nagpipilit na palutangin na hindi lahat ng LP ay sinusuportahan si Roxas na inendorso kamakailan ni Pangulong Noyno Aquino bilang pambato kay Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections.
Magugunita na full force ang ipinakita ng mga miyembro ng LP noong Biyernes sa Club Filipino sa pangunguna ni Belmonte at Senate President Franklin Drilon, Senators Bam Aquino, Ralph Recto at TG Guingona.
Kumpleto rin ang attendance ng mga batang congressman tulad nila Kit Belmonte, Miro Quimbo, Dax Cua, Dan Fernandez, Sam Gullas at Alfred Vargas. Nasipat din sina Iloilo Representative Jerry Treñas, dating Quezon Representative Erin Tañada at kanyang ama na si dating senador Wigberto Tañada.
Naging emosyonal ang pagtanggap ni Roxas sa pag-eendorso ni P-Noy na sa pakiramdam nito ay ipinapasa ng Pangulo ang ipinaglaban ng mga magulang nito at ipinangako na itutuloy ang nasimulan na Tuwid na Daan ni P-Noy.