MANILA, Philippines - Sinisi pa rin ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang huling SONA ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga nadiskubreng anomalya ng dating Arroyo administration na minana lamang niya.
Isa-isang binigyan ng solusyon ng kanyang administrasyon ang mga problemang minana niya kay Mrs. Arroyo.
“Dinatnan natin ang taumbayang namanhid na sa walang humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw. Ipinagmalaki sa atin, sapat na raw ang mga classroom, ‘yun pala umaabot sa apat na shift ang mga klase: may pumapasok na madilim pa, at may umuuwing madilim na, pero lahat sila naiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral. Uninterrupted growth ang ibinida ng ating sinundan sa kanyang huling SONA, pero nang suriin po, malaking bahagi pala nito ay galing sa remittances ng mga taong nawalan ng pag-asa sa Pilipinas. Ika nga po, ‘people were voting with their feet,” wika pa ni P-Noy.
Hindi rin pinaligtas ni P-Noy ang minana nitong problema sa MRT 3 na dapat ay noong 2008 pa raw ginawa ang overhaul upang hindi na ito dumanas ng mga problema.