MANILA, Philippines - Matapos na makita na may probable cause sa kasong graft at malversation na may kinalaman sa umanoy maanomalyang pagpapalabas ng P23 milyong pondo ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng palengke sa Mariveles, Bataan ay ipinag-utos ng Sandiganbayan 3rd division na arestuhin ang negosyanteng si Cedric Lee at si dating Mariveles, Bataan Mayor Angel Peliglorio Jr.
Sinasabing ang dalawa ay hindi pa nakakapaglagak ng piyansa sa naunang inirekomendang bail bond na P30,000 para sa graft case habang P40,000 naman sa malversation case.
Si Lee ay presidente at CEO ng Izumo Contractors Inc. na siyang kakontrata sa pagtatayo ng public market sa Mariveles. Sinasabing ang pondo ay naipalabas ni Peliglorio para sa una, pero hindi naman nagawa ang palengke at sa ibang bagay nagamit ang pondo.
Bukod dito, si Lee ay mayroon ding tax evasion case dahilan naman sa umanoy pagkabigo ng Izumo Contractors na magbayad ng P194.47 milyon sa buwis mula 2006 hanggang 2009.
Magugunita na naging kontrobersiyal si Lee at kaibigan nitong si Deniece Cornejo sa kaso nang pananakit sa actor na si Vhong Navarro.