MANILA, Philippines - Isang palapag ng University of the East Ramon Magsaysay (UERM) ang nasunog dulot umano ng nag-overheat na aircondition kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang nasabing gusali ay matatagpuan sa may Aurora Blvd., Brgy. Dona Imelda sa lungsod na kung saan dakong alas-3:34 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng nasabing gusali.
Partikular na nasunog ang kuwarto ng administrative building na nasa nasabing palapag at tinitingnan ang magdamag na pagkakabukas ng aircon dito.
Maaari anyang dala ng matinding init, nag overheat ang aircon sanhi para sumiklab ito at pagmulan ng sunog at umaabot sa P150, 000 halaga ng kagamitan ang napinsala.
Umakyat naman sa ikaapat na alarma bago tuluyang naapula ang sunog ganap na alas-4:40 ng madaling araw.