MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang suspek sa panghoholdap matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Imus, Cavite kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, dakong alas-11:20 ng umaga nang looban ng dalawang suspek ang isang sangay ng LBC sa Brgy. Bucandala.
Sa salaysay ng empleyadang si Janela Aquino, na pumasok ang dalawang suspek at nagpanggap na kustomer.
Ilang sandali ay nagdeklara ang mga ito ng holdap na kung saan ay sinabihan na huwag titingin.
Nang makuha ang pera ay pinasok sila sa banyo ng mga suspek na mabilis tumakas sakay ng motorsiklo at tangay ang nasa P10,000.
Natunton naman ng mga otoridad ang mga susupek matapos itawag ng isang concerned citizen ang kanilang lokasyon.
Inabutan ng mga pulis ang mga suspek sa isang bukid at sa halip na sumuko ay nanlaban umano ito sa mga otoridad na kanilang pinaputukan ng baril.
Gumanti ng putok ang mga pulis at sa ilang minutong palitan ng putok ay napatay ang dalawang suspek.
Ayon kay Sr. Supt. Jonnel Estomo, hepe ng Cavite Police, itinuturong responsable rin ang mga napatay na suspek sa panloloob sa sangay ng LBC sa Brgy. Burol I, Dasmariñas nitong Sabado.
Sangkot din anya ang dalawa sa ilan pang insidente ng holdapan sa Cavite.
Walang makuha na anumang pagkakakilanlan sa mga suspek.