VM Peña ayaw pumirma: 17 konsehal 120 staff ng Makati City Hall, ‘di makakasahod

MANILA, Philippines – Aabot sa 120 kawani ng Makati City Hall at 17 konsehal ng lungsod ang hindi susuweldo ngayong katapusan ng Marso dahil sa isyu ng pagkakaroon ng dalawang alkalde ng lungsod.

Ayon kay Councilor Mayeth Casal-Uy, hindi pinirmahan ni Vice Mayor Romulo “Kid” Peña ang tseke para sa kanilang sahod dahil iginigiit nitong siya ang acting mayor ng lungsod.

Anya, sa bise alkalde nakaatas ang pag-otorisa sa disbursement ng sahod o payroll ng 17 konsehal at mga staff nito.

“Nakikiusap kami kay Vice Mayor Peña na isipin ang kapakanan ng mga empleyado. Akala ko ba ang sabi niya hindi niya hahadlangan ang sahod ng mga empleyado?” sabi ni Uy.

Samantala, nakatanggap na ng suweldo ang mahigit 8,000 empleyado ng lungsod matapos pirmahan ni Mayor Junjun Binay ang vouchers para sa Marso at Abril.

Show comments