MILF report kalokohan - Cayetano

MANILA, Philippines – ‘Kalokohan ang report dahil gobyerno pa ang pinalilitaw na may kasalanan sa nangyaring operasyon na humantong sa pagkakapaslang sa 44 miyembro ng Special Action Force”.

Ito ang sinabi kahapon ni Senate Majority Floorleader Alan Peter Cayetano sa isinumiteng report ng Moro Islamic Libe­ration Front tungkol sa Mamasapano massacre.

Pinuna rin ni Ca­yetano na ang MILF pa ang may lakas ng loob na magsabing dapat silang magprotesta laban sa PNP-SAF dahil sa umano’y paglabag sa ceasefire.

Magugunita na si Cayetano ang  naglabas ng mga dokumento na nagpapakita na may koneksyon sa terorista ang MILF kaya’t malinaw na kanilang kinanlong at binigyang proteksyon  sina Marwan at Basit Usman na siyang naging target ng operasyon ng PNP-SAF.

Sinabi naman ni Sen. Francis Escudero, katulad ng inaasahan pinapa­boran sa MILF report ang kanilang mga fighters na sangkot sa Mamasapano encounter na  Bangsamoro Islamic Armed Forces.

Naniniwala si Escudero dahil sa “high value target” ang sangkot sa Oplan Exodus kaya’t exempted ang naturang operasyon sa “prior coordination”.

Kung talaga aniyang nagkaroon ng paglabag sa ceasefire kinuwestiyon ni Escudero kung  bakit  ang PNP-SAF lamang ang  ini­rereklamo at planong iprotesta ng MILF gayong si Pangulong Benigno  Aquino mismo ang  nag-apruba ng ipinatupad na ope­rasyon sa  Mamasapano.

Inihayag naman ng nasibak na si Special Action Force (SAF) chief P/Director Getulio Napeñas na naghuhugas lamang ng kamay ang MILF at pinagtatakpan ang mga tauhan nitong sangkot sa brutal na pamamaslang sa 44 SAF commandos.

Show comments