MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng Signal No.5 ang bagyo kapag ito ay isang super typhoon na may lakas ng hangin na lalampas sa 220 kilometro bawat oras.
Ito ang desisyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dagdagan ng hanggang Signal number 5 sa kasalukuyang Signal number 1 hanggang Signal number 4 lamang na ginagamit ng ahensiya sa pagbibigay babala sa publiko kapag may bagyo sa bansa.
Inihalimbawa rito ang bagyong Yolanda na isang super typhoon na may lakas ng hangin na umaabot sa 235 hanggang 275 kilometro bawat oras.
Sinabi ni Esperanza Cayanana, hepe ng weather forecasting division ng PAGASA na patuloy naman nilang gagamitin ang public storm warning signal hanggang number 4 na na-adopt noong 1997 at na-revised noong taong 2010.
Sa Signal Number 1, ang bagyo ay may lakas ng hanging umaabot sa 30 hanggang 60 kilometro bawat oras; Signal Number 2 ay ang bagyo na may lakas ng hangin na umaabot sa 61 hanggang 100 kilometro bawat oras; Signal No. 3 na may hangin na umaabot sa 101 hanggang 185 kilometro bawat oras at signal Number 4 ay may hangin na mahigit 185 kilometro bawat oras.
Magpapatupad din ang PAGASA ng isang color-coded storm surge warning system katulad ng color-coded rainfall warning advisories ng ahensiya na isang halimbawa rito ay ang color red na nagsasabing may banta ang matinding pag-ulan kayat kailangang lumikas ang mga tao, orange rainfall na dapat maghanda ang mga tao para lumikas at yellow na nagsasabing posibleng maganap ang storm surge.