MANILA, Philippines – Nagbabalik at mananatiling alkalde ng Makati si Junjun Binay matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals na epektibo ng 60 araw laban sa anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman sa una.
Ipinalabas ng CA Sixth Division ang desisyon ilang oras matapos isilbi ang suspension order na agad nasundan ng panunumpa ni Makati Vice Mayor Romulo Peña bilang acting mayor na halos tatlong oras pa lamang nauupo sa pwesto nang maglabas ng pasya ang CA.
Bukod kay Binay, pansamantalang sinuspinde ng anti-graft court sina City Budget Officer Lorenza Amores; City Accountant Cecilio Lim III; acting City Accountant Eleno Mendoza; City Treasurer Nelia Barlis; CPMO Engineers Arnel Cadangan; Emerito Magat at Connie Consulta; CPMO Chief Lino Dela Peña; Bids and Awards Committee (BAC) Secretariat Heads Giovanni Condes at Manolito Uyaco; Technical Working Group (TWG) Chairman Rodel Nayve; BAC member Ulysses Orienza; General Services Department (GSD) OIC Gerardo San Gabriel at GSD staff member Norman Flores.
Una nang iginiit ni Binay na iligal ang suspension order ng Ombudsman na pakana raw ni DILG Secretary Mar Roxas.
Pinagkokomento ng CA ang Ombudsman ukol sa petisyon ni Binay na pinagbabayad din ng P500,000 bilang cash bond na tutuparin niya ang laman ng desisyon.
Itinakda ang oral arguments sa Marso 30 at 31 para naman sa hirit na writ of preliminary injunction para palawigin ang pananatili ni Binay bilang alkalde hanggang sa madesisyunan ang isyu.
Aminado naman si Binay na bagama’t masaya sila sa pasya ng CA, malungkot siya dahil hindi ito nakasipot sa graduation ng anak at nahiwalay sa pamilya.