MANILA, Philippines – Umapela si Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay kay Interior and Local Governtment Secretary Mar Roxas na maging parehas, walang kinikilingan at maging pantay ang pagtingin sa kapartido man o sa oposisyon man.
Ayon kay Binay na bagama’t nasa hurisdiksyon na ng Court of Appeals ang kanyang kaso ay nauunawaan naman niya na dapat gampanang trabaho ang DILG, subalit marami anyang pagkakataon na kapag kasama na sa partido ng LP ang may kaso ay naiiba na ang pagtrato.
Hiniling nito ang due process sa kanyang kaso at pagsunod sa rule of law at hustisya na walang kinikilingan kahit anupaman ang kinabibilingang political party.
“Muli ko pong inuulit: sumusunod tayo sa due process at ang pagdulog sa korte ay bahagi ng due process. Kinukwestyon natin ang isang kautusan ng Ombudsman na hindi naaayon sa batas. Kinukwestyon natin ang pagmamadali ng Ombudsman na suspindihin ako at hindi pagbibigay sa akin ng pagkakataon na magpaliwanag. Lahat ito ay bahagi ng due process. wika ni Binay.
Malaki ang paniniwala ni Binay na bagama’t siya ang sinususpinde ng Ombudsman, ay tunay na target ay ang mga mamamayan ng Makati, pagpapasya ng taumbayan na winawasak ng mga talunang kandidato at paggamit ng kapangyarihan ng gobyerno para hadlangan ang kanyang ama na tumakbo sa 2016 presidential elections para pagsilbihan ang taumbayan na katulad ng pagsisilbi nito sa mamamayan ng Makati City.