74-anyos lola binigti ng magnanakaw

MANILA, Philippines – Brutal ang ginawang pagpatay ng isang lalaki sa 74-anyos na lola na matapos niyang pasukin ang bahay para pagnakawan ay  hinambalos nito ang ulo bago binigti na naganap kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Ang biktima na basag ang ulo at wala ng buhay nang matagpuan sa loob ng kanyang
bahay ay kinilalang si Carolina Santiago, ng 175 M.A. Roxas St., Barangay Calumpang sa lungsod.
Batay sa ulat, bago natagpuang patay ang biktima dakong alas-6:30 ng gabi ng kanyang mister na si Renato, 77 ay iniwan nito ang misis na mahimbing na natutulog sa kanilang kuwarto para pumunta sa kamag-anak sa Pasig City noong Sabado ng umaga.

Pagbalik ni Renato sa kanilang bahay ay dinatnan na niyang wala ng buhay ang misis na pinatay sa palo ng matigas na bagay sa ulo saka binigti gamit ang telang katsa.

Nadiskubre rin nito na nawawala ang P12,000 cash nilang mag-asawa na nakalagay sa ilalim ng kanilang mga damit.

Agad namang naaresto ang construction wor­ker na si Renato Toburcio, 45 ng 151 M.A Roxas St., makaraang ituro ng isang Francisco Chua, 46, kapitbahay ng mag-asawa na nakita niyang pumasok  sa bahay ang suspek na nakatakdang kasuhan ng robbery with homicide.

Show comments