MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pumasok na sa bansa ang El Niño phenomenon o tagtuyot na panahon ngayong buwan ng Marso.
Ito anya ay batay sa resulta ng ginawang climate monitoring kung saan ay nakakaranas ng mainit na temperatura ng karagatan mula sa Central at Eastern Equatorial Pacific (CEEP).
Ayon sa PAGASA, mula huling quarter ng 2014 ay nagpakita na ng inaasahang paglitaw ng El Niño sa bansa dahilan sa pag-init ng kondisyon ng mga karagatan.
Gayunman, mahina pa sa ngayon ang El Niño pero unti-unti na itong nakakaapekto sa mga pananim sa mga sakahan na umaasa sa suplay ng tubig ulan at iba pang tubig pangsakahan.
Sinabi pa ng PAGASA na ang mahinang El Niño ay makakaapekto sa rainfall pattern sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan at inaasahang ito ay magtatagal hanggang buwan ng Abril hanggat hindi pa pumapasok ang tag-ulan sa Mayo o buwan ng Hunyo.