Bebot sinunog ang sariling bahay, patay

MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang isang 24-anyos na babae matapos itong makulong nang sunugin ang kanilang bahay kamakalawa sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Kinilala ni Tacurong City Police Director P/Supt. Junie Buenacosa ang nasawing biktima na si Paige Kyla Morales, na lumuwa ang bituka sa sobrang pagkasunog ng katawan.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-10:51 ng umaga sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan na  gawa sa kahoy na matatagpuan sa General Luna Street, Purok 4 ng lungsod ay nakaaway ng biktima ang nakababata nitong kapatid sa isang personal na alitan.

Ilang sandali ay nagkulong ang biktima sa kaniyang silid sa ikalawang palapag at dito ay sinilaban ang kurtina na siyang pinagmulan ng sunog na mabilis na kumalat sa buong kabahayan.

Nabigo namang mai­salba ang buhay ng biktima na na-trap sa loob ng nasusunog nitong silid dahilan masyado ng malaki ang apoy sa buong kabahayan.

 Ayon sa pamilya ng biktima na madalas sa tuwing magagalit ito ay sinusunog ang kaniyang mga damit na ilang beses na nitong nagawa at naagapan lamang.

Tinataya namang aabot sa P500,000 hanggang P600,000 ang danyos ng nasabing sunog.

Show comments