Pinas, top 3 sa buong mundo sa pagtatapon ng plastic na basura
MANILA, Philippines - Naitala ang Pilipinas na ikatlo sa mga coastal countries sa buong mundo na malakas magtapon ng mga plastic na basura laluna sa karagatan.
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng Ecowaste Coalition na kung saan ang China ang nangunguna na sinesegundahan naman ng Indonesia.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition na dapat palakasin ng pamahalaan ang zero waste and anti-plastic bag campaign dahil habang patuloy ang pagdami ng populasyon sa bansa ay patuloy din ang pagtaas ng dami ng basurang plastic na napupunta sa mga dalampasigan.
Anya, may labing limang taon nang naipatutupad ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) pero wala pa ring nangyayaring pagtalima sa mga bagay na nakakaapekto ng kalikasan.
Batay sa ginawang paglilinis ng grupo sa Manila Bay noong 2014 kasama ang Global Alliance for Incinerator Alternatives, Greenpeace, at Mother Earth Foundation ay nakakuha sila ng 61.9 percent ng mga basura at dito ay may 23.2 percent ay mga plastic.
Aabot sa 17.5 milyong tonelada ng plastic debris ang naitatala kada taon at posibleng abutin sa 155 milyong tonelada mula ngayong taon hanggang sa taong 2025 kung walang gagawin ang pamahalaan sa mga plastic na basura.-Angie dela Cruz-
- Latest