MANILA, Philippines - Sa unang taon kung sakaling makapasa at masusunod ang draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa unang ng taon ng pagpapatupad nito ay aabot sa P75 bilyon ang kinakailangang ilaan ng gobyerno rito.
Ayon kay Senator Ralph Recto hindi papayag ang Senado na maging ‘rubber stamp’ para sa BBL na napakaraming “policy landmines”.
Hindi aniya maaaring ipasa sa “present form” ang nasabing BBL at napakaraming dapat baguhin sa panukala.
Ngayon pa lamang aniya ay dapat na itong baguhin upang matiyak na naaayon ito sa Konstitusyon at maiwasan ang posibleng pagbasura ng Supreme Court.
Isa aniya sa dapat tingnan ang gagawing pagpo-pondo para sa ‘kapayapaan’ dahil ang BBL ay maituturing ring appropriations bill dahil magiging obligasyon ng gobyerno ang paglalaan ng pondo na kukunin sa buwis ng mga mamamayan.
Sa unang taon pa lamang aniya ay hindi na bababa sa P75 bilyon ang dapat gastusin ng gobyerno para sa pagbuo ng isang sub-state sa Mindanao.
Magiging otomatiko rin ang pagbibigay ng pondo para sa BBL na dapat aprubahan ng Kongreso taun-taon.
Maituturing rin aniya itong sovereign debt na kahalintulad ng pambansang utang na otomatiko ang appropriations.
Magkakaroon din ang BBL ng isang “Special Development Fund” na ibibigay ng gobyerno sa Bangsamoro government. Ang nasabing halaga umano ay aabot sa P10 bilyon na mas malaki pa sa pinasama-samang budget ng DOT at DTI o ng TESDA.