4 sundalo patay sa NPA attack

MANILA, Philippines - Inatake ng nasa 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Mati City Police Station na ikinasawi ng  apat na sundalo at isang rebelde kamakalawa ng gabi sa Davao Oriental.

Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang atakehin ng mga rebelde na pawang naka-fatigue uniform at lulan ng Elf truck (RJW-626), dalawang van at limang motorsiklo ang himpilan ng pulisya sa Brgy. Poblacion ng lungsod.

Subalit, nakahanda ang mga pulis na ikinagulat ng mga rebelde at sa tulong  ng tropa ng Army’s 701st Brigade ay agad nakipagsagupaan sa mga lumusob na rebelde na nagsiatras makalipas ang ilang minuto.

Inihayag pa ng opis­yal na nabigo ang NPA rebels na makubkob ang nasabing himpilan habang isa ring rebelde ang napaslang sa bakbakan sa nasilat na raid sa nasabing himpilan na ikinasugat naman ng isang pulis.

Gayunman, ayon kay Col. Romeo Brawner Jr, Chief ng Operations sa AFP-Eastern Mindanao Command, dalawang landmine na itinanim ng mga rebelde ang sumabog dakong alas-8:00 ng gabi na ikinasawi naman ng tatlong miyembro ng Army’s 701st Infantry Battalion (IB) na bahagi ng tropa ng militar na tumugis sa mga rebelde.

Samantala, nasawi rin ang isang si Sergeant Adel Lucanan, miyembro ng 67th Infantry Battalion (IB) na nakasibilyan na pinagbabaril ng mga rebeldeng nakakalat sa daan matapos itong maharang sa inilatag na checkpoint ng komunistang grupo.

 

Show comments