Bahay ng ex-mayor sumabog, 2 patay

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang caretaker at isa pa ang malubhang nasugatan  nang sumabog ang pinag­laruang granada sa loob ng bahay ng isang dating alkalde sa Banisilan, North Cotabato kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Romar “Tata “Alarilla, 24 at Benjie  Seraspe, 15; pawang mga caretaker sa bahay ni dating Mayor Floro Allado. Sugatan naman si Cocoy Allado, pamangkin ng dating alkalde upang malapatan ng lunas.

Sa ulat ni Sr. Inspector Aldrin Gonzales, Spokesman ng Central Mindanao Regional Police, ang insidente ay naganap sa Barangay Poblacion, Banisilan ng lalawigang ito bandang alas-7 ng gabi nang paglaruan ng isa sa mga biktima ang nasabing granada at aksidenteng natanggal ang pin nito.

Nagkataon namang wala sa kaniyang bahay ang alkalde na nasa Cagayan de Oro City nang mangyari ang pagsabog. Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments