Misis na buntis tinodas ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang ginang na 4 buwan buntis matapos na siya ay barilin ng kapitbahay na nagalit sa pag-awat nito habang kaaway ang kanyang mister kamakalawa sa Brgy. Langkaan 2, Dasmariñas City, Cavite.

Nasawi noon din ma­ging ang nasa sinanapunan ng biktima na kinilalang si Meriden Pearl Enriquez 27, ng Blk 62, Lot 5, City Homes Subdivision, ng nasabing barangay.

Ang suspek na tuma­kas ay kinilalang si Abraham Orpelia, nasa hustong gulang at kapitbahay ng biktima.

Sa imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon  ay magkasama sa loob ng bahay ang biktima at ang mister nito na si Val De Guzman nang dumating ang suspek para kausapin si Val.

Pagkalipas ng ilang minutong pag-uusap ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at Val nang biglang bumunot ito ng baril kung kaya’t pumagitna ang biktima.

Kaya’t ang galit umano ng suspek ay natuon sa misis kung kaya’t binaril ito sa sikmura na agad nitong ikinasawi ma­ging ang sanggol na nasa sinapupunan nito.

Show comments