MANILA, Philippines - Isiniwalat ni relieved PNP-Special Action Force (SAF) Chief Getulio Napeñas sa pagharap niya sa pagdinig ng Senate Public Order Committee Lunes ng umaga ukol sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 SAF commandos na pinagplanuhang pasabugin ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong Enero 18.
Ayon kay Napeñas, isa sa mga target ng operasyon ng SAF sa Mamasapano na si Zulkifli Bin Hir alyas “Marwan” ang kabilang sa mga nasa likod ng planong pagpapasabog.
Si Marwan anya ang siyang nakikipag-ugnayan sa terrorist group na Jemaah Islamiyah.
Plano umano ng Jemaah Islamiyah sa tulong ni Marwan na magpasabog habang tumatakbo ang papal convoy mula TM Kalaw sa Maynila noong Enero 18.
Hindi man umano ito kinumpirma o itinanggi ng PNP, na mayroong impormasyon ukol sa planong pagpapasabog.
Ibinahagi pa ni Napeñas na nitong nakalipas na dalawang araw, may impormasyong nasa 30 estudyante ni Marwan, na pawang bihasa sa pagpapasabog, ang nagkalat sa Central Mindanao.
Mga ebidensya lamang anya ito kung gaano kapanganib si Marwan na sinasabing napatay na sa Mamasapano mission noong Enero 25.