Nabasa ang text ng kabit… misis todas sa selosong lover
MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 27-anyos na ginang nang ito ay ataduhin nang saksak ng kanyang ka-live in matapos na magtalo nang mabasa ang text messages ng umano’y kabit nito kahapon ng madaling araw sa Brgy.Lopoc, Labason, Zamboanga del Norte.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng saksak sa ibat’ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Jecil Salundagi.
Sumuko naman sa pulisya ang mister nitong si Melgray Obido, 33, driver, ilang oras matapos ang krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon, dakong ala-1:20 ng madaling araw ay magkatabing natutulog sa kanilang kuwarto ang mag-live in partner ng tumunog nang sunud-sunod ang cellphone ng ginang dahil sa text umano ng kabit nito.
Dali-daling bumangon ang ginang at binasa ang text messages ng umano’y kabit nito, subalit naalimpungatan ang live in nito at tinanong kung sino ang nag-text sabay agaw sa cell phone.
Matapos na mabasa ang text ay nagalit ang suspek sa biktima na naging dahilan ng mainitang pagtatalo hanggang sa pumunta ang una sa kusina at kumuha ng patalim at pinagsasaksak ang huli na naging dahilan ng kamatayan nito.
Nasugatan naman sa braso ang biyenang babae na si Carmelita Salundagi, 68, nang tangkaing pigilan ang pananaksak ng suspek sa anak.
Nahaharap sa kasong kriminal ang suspek na nakakulong na ngayon.
- Latest