MANILA, Philippines - Nagbitiw na sa kanyang puwesto si PNP Chief Director General Alan Purisima matapos na tanggapin ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibitiw nito.
Mismong si Pangulong Aquino umano ang nag-anunsiyo sa harap ng biglaang cabinet meeting na ipinatawag ni Secretary to the Cabinet Rene Almendras sa Malacañang kahapon.
Nang malaman daw ni P-Noy na mahigit 10 miyembro ng Gabinete ang dumalo sa pulong ay sumilip ito kung saan ay ‘ipinabatid’ nito na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni Purisima.
Agad itinanggi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ang ulat at sinabing walang katotohanan na tinanggap ng Pangulo ang pagbibitiw ni Purisima at anya na walang ganung nangyari sa nasabing cabinet meeting at walang katotohanan na nagkaroon ng anunsiyo sa pulong ang Pangulo.
Ayon naman sa isang source, ngayon pa lamang gagawin ang pormal na pag-anunsyo sa pagtanggap ni P-Noy sa pagbibitiw ni Purisima.
Ang suspendidong PNP chief ang itinuturong ‘nagkontrol’ sa Oplan Exodus ng PNP-SAF noong Enero 25 sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Marwan at Basit Usman kung saan ay 44 SAF troopers ang nasawi.