MANILA, Philippines - Hindi totoo o tsismis lamang umano ang mga balita hinggil sa namumuong kudeta sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na tapat sa chain of command ang AFP at tuluy-tuloy ang pagtupad nila sa kanilang mandato.
Sinabi naman ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina sinabi nito na solido at buo ang PNP sa mandato ng Konstitusyon at binigyang diin nito na wala ring nangyayaring pagkakawatak-watak sa hanay ng PNP bunga ng nangyaring pagkasawi ng 44 SAF commandos.
Ang nasabing pahayag ng AFP at PNP ay matapos na ibulgar ni Senador Antonio Trillanes IV na mayroon umanong namumuong kudeta na ilulunsad ng mga opisyal ng PNP at AFP kung saan ang gagamiting isyu sa panghihikayat ng susuporta ay ang madugong bakbakan sa pagkasawi ng 44 SAF commandos sa kamay ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).