Gen. Purisima itinurong utak ng SAF chief sa Oplan Exodus
MANILA, Philippines - Itinuro kahapon ng sinibak na si Special Action Force (SAF) Commander Director Getulio Napeñas na ang suspendidong si PNP Chief Director General Alan Purisima ang nagbigay ng go signal para ilunsad ang Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 nilang commandos sa madugong bakbakan sa grupo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Enero 25 sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Kasabay nito, inabsuwelto naman ni Napeñas si Pangulong Benigno Aquino sa pagsasabing hindi siya nagre-report ng direkta sa punong ehekutibo dahil may chain of command silang sinusunod.
Ayon kay Napeñas matagal ng proyekto ni Purisima ang nasabing operasyon simula pa noong nakalipas na Abril 2010 dahilan sa ito ang may hawak ng intelligence report sa tinutugis na international terrorist at henchman nito kaya’t hindi siya puwedeng dumeretso sa Presidente.
Ang tinutukoy nitong terorista ay sina Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may patong sa ulong $ 5 M at henchman nitong si Abdul Basit Usman, may $ 2 M reward.
Inamin din nito na ipinabatid lamang niya ang insidente kay PNP Officer in Charge Leonardo Espina nang nasa lugar na ang SAF commandos habang wala rin umano sa posisyon niya ang iparating pa ito kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Inihayag pa ng opisyal na maraming beses na rin silang nagsagawa ng operasyon alinsunod sa ‘secret mission’ naglalayong hulihin sina Marwan at Usman.
Sinasabing si Marwan ay napaslang sa operasyon kung saan pinutol ang daliri nito para maisailalim sa forensic examination ng Federal Bureau of Investigation sa Estados Unidos.
Inihayag ni Napeñas na noong una ay minabuti niyang huwag munang magsalita dahilan sa gusto niyang hintayin at bigyang galang muna ang resulta ng Board of Inquiry (BOI) pero dahilan sa mga pahayag na sinisira na umano ang puri ng Director ng SAF ay napilitan siyang lumantad.
Inihayag pa ni Napeñas na handa siyang magbitiw sa tungkulin kapag hindi si Marwan ang napaslang o maging negatibo ang resulta ng DNA sample laban dito.
- Latest