MANILA, Philippines – Inabswelto ng Sandiganbayan 2nd Division ang tatlong kasong graft ni dating Cavite governor Erineo “Ayong” Maliksi dahilan sa kakulangan ng ebidensiya.
Batay sa record, ang unang dalawang graft case ay isinampa kay Maliksi ni Cavite Governor Juan Victor “JV” Remulla noong August 7, 2005 noong ito ay vice Governor pa dahilan sa umanoy maanomalyang pagbili ng mga gamot na may halagang P2.5 milyon noong 2002.
Sinasabing nai-award ni Maliksi sa Allied Pharmaceutical Laboratories, Inc. na maging supplier ng gamot nang walang public bidding at walang katunayan na ang mga gamot ang may pinaka-mababang halaga noong panahong iyon.
Ang ikatlong kaso ng graft ni Maliksi ay naisampa naman dito noong September 26, 2008 nang maglaan umano ito ng kuwestyonableng financial assistance sa Cavite na umaabot sa P10 milyon.
Ang kasong ito ay nadismis din ng Sandiganbayan dahil sa katagalan na ng kaso na hindi man lamang nalapatan ng aksiyon ng Ombudsman.