MANILA, Philippines – Hiniling ng ilang kongresista kay Pangulong Noynoy Aquino na magdeklara ng National Day of Mourning dahil sa pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) mula sa kamay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon kay Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil, ito ay para umano makapagdalamhati ang buong bansa at mga Pilipino kasama ang buong PNP sa pagdadalamhati.
Para naman kay Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian, ito ang magsisilbing pagbibigay pugay at pinakamataas na parangal na maigagawad sa mga SAF na nagbuwis ng buhay sa gitna ng pagtupad ng tungkulin.
Ayon sa mga kongresista na napaka-ironic umano ng pangyayari sa Mamasapano massacre sa gitna pa ng umiiral na tigil putukan sa pagitan ng gobyerno at MILF at sa pagbuo ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Kapag naideklara ang National Day of Mourning ay inilalagay sa half mast ang lahat ng bandila ng bansa sa mga tanggapan ng gobyerno.
Hinamon din ni ACT CIS partylist Rep. Samuel Pagdilao ang liderato ng MILF na isuko o tulungan ang gobyerno sa pagtugis sa mga international terrorists na nagtatago sa kanilang kontroladong lugar sa Mindanao.
Nangako ang MILF sa pagtulong sa gobyerno, subalit nakakapagtaka umano kung bakit hanggang ngayon ay nasa lugar nito ang mga teroristang sina Basit Usman at Marwan.
Sa nasabing pangyayari ay nabasag din umano ang pagtitiwala na nabuo sa pagitan ng gobyerno at MILF sa panahong binubuo ang peace agreement dahil sa Mamasapano massacre.
Maibabalik umano ang tiwala na ito kung maisusuko ng MILF sa gobyerno ang mga international terrorists.