MANILA, Philippines – Inamin kahapon ni Department of Social Welfare and Development Secretary Corazon ‘Dinky’ Soliman sa pagdinig sa Senado na dinala nila sa isang resort ang mga mahihirap na nakatira sa kalsada sa Metro Manila partikular sa Roxas Boulevard upang maging malinis ang kalsada sa ginawang pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Bagaman at bahagi umano ng isang “family camp” ang programa, ginawa ito sa kahilingan na rin ng mga lokal na pamahalaan upang maging malinis at maayos ang kahabaan ng Roxas Boulevard sa pagbisita ng Santo Papa.
Ayon pa kay Soliman, sikip na ang mga pasilidad na maaring pagdalhan sa mga “homeless” kaya pinadalo na lamang sila sa isang ‘family camp’ upang mapabilis rin ang pagrerehistro sa kanila para sa modified conditional cash transfer.
Matatandaan na nabunyag ang ginawang pagdampot ng DSWD sa mga taong nakatira sa kalye na umabot sa 100 pamilya o 427 katao noong bago dumating ang Santo Papa at dinala sa Chateau Royale Sports and Country Club sa Nasugbu, Batangas.
Muli lamang ibinalik sa Maynila ang mga mahihirap na nakatira sa kalye noong araw na umalis sa bansa si Pope Francis.