MANILA, Philippines - M atapos ang makasaysayang pagbisita sa Pilipinas, bumiyahe na si Pope Francis pabalik sa Roma kahapon.
Alas-10:13 Lunes ng umaga nang lumipad ang special flight PR-8010 ng Philippine Airlines para ihatid si Pope Francis.Alinsunod sa tradisyon ng Simbahan, ang flag carrier ng pinanggalingang bansa ang magdadala sa Pope sa susunod nitong destinasyon.
Pero bago umalis, muling nag-open motorcade si Pope Francis mula sa Apostolic Nunciature patungong Villamor Airbase dakong alas-9:00 ng umaga.
Tulad sa mga nakaraang araw, libu-libo ang dumagsa sa ruta ng convoy para bumati, magpasalamat at magpaalam sa Santo Papa, at naging magiliw pa rin si Pope Francis sa pagbati at pasasalamat sa mga nag-abang sa kanya.
Pagdating naman sa Villamor, binigyan ito ng simpleng send-off ceremony na pinangunahan ni Pangulong Noynoy Aquino, mga miyembro ng gabinete at ng Catholic Church leaders kabilang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
May mga bata rin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sumayaw at umawit bago magpaalam sa Santo Papa.
Magugunitang Enero 15, Huwebes, nang dumating ang Santo Papa sa Pilipinas. Kabilang sa hindi malilimutan ang tanong ng isang batang babae kay Pope Francis sa Encounter with the Youth sa University of Santo Tomas (UST) at ang tugon dito ng Santo Papa.
Maituturing namang highlight ng kanyang pagbisita ang pagdalaw niya sa mga survivor ng Bagyong Yolanda sa Leyte nitong Sabado, Enero 17 bagama’t napaikli dahil sa masamang panahon, at ang misa na dinaluhan ng tinatayang 6 milyong deboto nitong Linggo, Enero 18, na itinuturing ngayong pinakamalaking Papal event sa kasaysayan ng Simbahan Katoliko.
Magkahalong emosyon ng saya at lungkot para sa milyong deboto ng Simbahang Katoliko sa ikinokonsidera ng mga itong ‘lifetime memories’ na mananatili sa kanilang puso sa 5 day papal visit ni Pope Francis matapos itong umalis sa bansa.
Nagbitiw naman ng salita si Pope Francis kay Pangulong Aquino ng “I am very, very, very happy” bago umalis kahapon.
Ayon kay Pangulong Aquino, tuwang-tuwa ang Santo Papa sa mainit na pagtanggap ng mga Filipino sa kanyang 5-araw na pagbisita sa bansa.
Nag-trending pa sa Twitter ang #IngatPope at #We love you Pope Francis.
Maging ang mga facebooks at instagram users ay hindi nagpahuli sa pagpo-poste ng mga larawan ni Pope Francis lalo na sa ‘Eucharistic Mass’.