Airport police na nagpumilit lumapit sa Santo Papa dinakip
MANILA, Philippines - Dinakip ng mga otoridad ang isang pulis nang ito ay magpumilit na makalapit sa motorcade ni Pope Francis nang dumating ito kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ang suspek na nasa kustodya ng Pasay City Police at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ay si Corporal Virgilio Perez, 61, na nakatalaga sa Manila International Airport Authority (MIAA) ng Airport Police Department, residente ng #56 P. Burgos St., Barangay San Roque ng lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang dakpin si Perez sa kahabaan ng Domestic Road tapat ng PAL Ticketing Office nang nasabing lungsod.
Ang suspek ay sinita nina Inspector Elijah Edison Romero Yumul at SPO2 Willie Alejo ng Capas Police Station dahil sa nagpupumilit na makalapit sa convoy ng Santo Papa habang ito ay patungo sa Roxas Boulevard.
Hinarang ng mga otoridad si Perez na may bitbit na kulay itim na backpack na naglalaman ng isang 9mm service firearms, magazine at 14 na bala.
Nabatid na si Perez ay hindi otorisadong magdala ng baril sa nasabing lugar dahil hindi umano ito naka-duty at hindi nakasuot ng uniporme.
- Latest