MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Mexican national na miyembro ng Sinaloan drug cartel matapos makuhanan ng 2.5 kilo ng cocaine sa isang operasyon sa Makati City kahapon ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Horacio Hernandez, 40, residente sa isang hotel sa Makati Avenue.
Nabatid na ang suspek ay sangkot din sa nangyaring operasyon sa Lipa City noong nakaraang taon at dito ay nakakumpiska ang mga otoridad ng 84 kilong shabu.
Sa inisyal na ulat, ganap na alas-2:00 ng hapon ay nagsagawa ng buy bust operation ang mga otoridad sa suspek na sakay ng isang Toyota Vios na nakaparada sa isang restaurant sa Makati Avenue.
Dito ay nagkunwaring bibili ng halagang P100,000 ng cocaine sa suspek ang poseur buyer at nang magkaabutan na ng items ay dito na ito inaresto.
Nasamsam sa suspek ang may 10 transparent na plastic bag na naglalaman ng cocaine na nakasilid sa itim na reusable bag na nagkakahalaga ng P12.5 milyon.