MANILA, Philippines – Naagapan ng mga otoridad ang posibleng pagdanak ng dugo matapos na marekober ang itinanim na bomba kahapon sa palengke ng Brgy. Poblacion, Pikit, North Cotabato.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:00 ng umaga nang madiskubre ng ilang residente ang nakatanim na bomba sa kahabaan ng Datu Piang St., Brgy. Poblacion ng bayang ito.
Mabilis na nagresponde ang mga pulisya bitbit ang K9 dogs at agad ikinordon ang lugar at nang magpositibo na bomba ang itinanim dito ng mga pinaghihinalaang lokal na teroristang grupo.
Mabilis namang nai-detonate ng mga Explosives and Ordinance team ng pulisya bago pa man ito makapinsala.
Nabatid na ang Improvised Explosive Device (IED) ay gawa sa rifle grenade na ginamitan ng cell phone bilang triggering device.
Hinala ng mga otoridad na kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang spoilers sa isinusulong na peace talks sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng pamahalaan ang pagtanim ng bomba.
Kung maaalala noong bisperas ng pagsalubong ng Bagong Taon ay may naganap na pagsabog sa palengke ng M’lang, North Cotabato na ikinasawi ng dalawang katao at pagkasugat ng 36 iba pa.