Precinct Commander, 3 pa sibak sa droga
MANILA, Philippines - Sibak sa puwesto ang isang precinct commander at tatlong kasamahan nito matapos na mahuling nagtutulak ng droga sa isinagawang anti-drug operations sa Brgy. Habay, Bacoor City, Cavite kamakalawa.
Kinilala ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Rommel Estolano ang mga tulak na pulis na sina PO3 Barrios Santoeli, hepe ng Police Community Precint (PCP) 2 ng Bacoor City Police; mga tauhan nitong sina PO3 Jay Salondro Ilagan, PO1 Joeyluz Pulusan at PO1 Roger Uy Reble.
Aniya, mabilis niyang pinasibak at pinasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Anti-Drug Act at kasong administratibo ang apat na tiwaling parak upang agad na managot sa batas ang mga ito.
Nasakote ang mga suspek dakong alas-11:30 ng umaga ng mga tauhan ni Supt. Romano Cardino , Chief ng Police Intelligence Branch (PIB) sa anti-drug operations sa nasabing lugar kung saan nasamsam sa mga ito ang siyam na plastic sachet ng shabu, 3 Glock caliber, 9MM, isang Elisco cal M16 at ang kulay berdeng Toyota Corolla (TJJ 794) na hinihinalang gamit ng mga ito sa illegal na operasyon.
Sa ngayon ay nakakulong sa PIB Office sa Camp Pantaleon Garcia , Imus City, Cavite ang mga naarestong parak.
- Latest