MANILA, Philippines – Simula ngayong araw ang taas singil ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Ito ang inihayag ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya at ipapairal ang P11.00 ‘base fare’ na may P1 kada kilometrong umento para sa pasahe sa LRT Lines 1 at 2 at MRT-3.
Mula sa dating P15 ay magiging P28 na ang maximum fare sa MRT-3; P30 naman sa LRT-1 mula sa dating P20 at P25 sa LRT-2 mula sa dating P15.
Ang P11.00 ‘base fare’ plus P1.00 per kilometer na formula ay ipapatupad, alinsunod sa Department Order No. 2014-014 ng DOTC.
Anya ang huling fare hike sa LRT-1 at LRT-2 ay noong pang 2003, ito ay sa kabila ng ‘inflation at pagtaas ng
operational cost sa riles at bagon ng mga tren ng LRT at MRT.
Hindi rin nagtataas ng pasahe ang MRT-3, sa halip ay nagbaba pa ng pasahe dito na mula sa dating P17.00 hanggang P34.00 noong 1999, ay ginawa itong P12.00 hanggang P20.00 noong 2000.
Sa kasalukuyan ay mas mababa pa ito at nasa mula range na P10.00 hanggang P15.00.
Sinabi naman ni Trade Union Congress of the Philippines-Nagkaisa spokesperson Alan Tanjusay na maapektuhan ang mga manggagawa na sumusuweldo ng minimum o P466 kada araw sa Metro Manila dahil sa pagbawas ng mauuwing sahod na halagang P362.
Hanggang walang nakikitang pagtaas ng suweldo at walang agarang paraan ang pamahalaan para magbabala sa pagtama nito, mananatiling ang mga minimum earners ang matinding tatamaan ng taas pasahe.
Base sa Government Family Income and Expenditures Survey noong 2009, lumabas na ang isang pamilya na may anim na pangangailangan ay kailangang kumita ng halagang P1,200 kada araw para mabuhay.
Nakatakdang sumali ang kanilang grupo sa malawakang kilos protesta ng manggagawa sa mga MRT at LRT stations.