MANILA, Philippines – Surabaya-Inihayag ni Indonesian National Search and Rescue Agency chief Bambang Soelistyo na batay sa kanilang naging konklusyon sa ibinigay na coordinates ay may posibilidad umanong nasa kaibuturan ng dagat partikular sa Java Sea, ang nawawalang AirAsia Flight QZ 8501.
Bagama’t posible pa umanong magkaroon ng mga development habang patuloy ang pag-aaral sa mga data. Malaking hamon aniya ang paghahanap sa Flight 8501 sakaling nasa ilalim ito ng dagat.
Walang na-transmit na emergency signal ang eroplano matapos itong mawala sa radar kaya hindi matukoy ang eksaktong lokasyon nito.
Pinalawak ng mga rescuers ang search area sa karagatan na nasa pagitan ng Bangka at Kalimantan Island.
Umaasa ang Indonesia na matagpuan sa lalong madaling panahon ang A320-200 plane na may lulang 162 katao.
Ang eroplano ay nawala habang ito ay patungong Singapore mula sa Indonesia at pinaniniwalaang dahil sa masamang panahon.
Ang mga sakay ng eroplano ay kinabibilangan ng 155 Indonesians, tatlong South Koreans, tig-isa mula sa Singapore, Malaysia, Britain at France.
Pangatlong trahedya na ito sa airline companies ng Malaysia ngayong taon.
Ang AirAsia ay nakabase sa Malaysia at kilala ito bilang budget carrier na mayroong 100 destinasyon.
Maalala na noong Marso nawala ang Malaysia Airlines Flight MH370 habang ito’y patungong China mula Kuala Lumpur.
Hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan kahit ang debris ng eroplano na may lulang 239 katao.
Buwan ng Hulyo naman nang bumagsak ang Malaysia Airlines Flight MH17 na may lulang 298 katao matapos pinabagsak ng separatists sa eastern Ukraine.