MANILA, Philippines - Nasawi ang isang drug pusher na nasa wanted list at isang sibilyan habang isang pulis ang nasugatan nang mauwi sa shootout ang buy bust operation kamakalawa sa isang resort sa Brgy. Lewin, Lumban, Laguna.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina John Aristotle Juaño, nasa wanted list sa talaan ng mga notoryus na drug pusher at sibilyang si Virgilio Villarin na tinamaan ng ligaw na bala sa pamamaril ng una.
Nasugatan naman ang pulis na si PO2 Juanito Bacsal Jr., nasa hustong gulang, miyembro ng Lumban Police Station.
Batay sa ulat, bago nangyari ang barilan dakong alas-4:30 ng sa Villa Samonte Resort sa nasabing lugar ay nagsagawa ng buy bust operations sa sina Bacsal at PO1 Glicerio Cruzen na umaktong poseur buyer.
Matapos na makipag-deal si Cruzen sa suspek at habang iniaabot ang ilang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P 12,000 ay nagpakilalang pulis ang una at kinumpiska ang baril ng suspek.
Gayunman may nakatago pa palang isa pang armas si Juaño na pumalag at nagpaputok ng baril kung saan tinamaan ang sibilyang si Villarin at ang sugatang operatiba.
Napilitan naman ang isa pang mga kasamahan na tinukoy lamang sa apelyidong PO3 Galang na nagsisilbing perimeter security na barilin ang suspek na napuruhan sa insidente.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang tatlo pero idineklarang dead-on-arrival ang suspek at ang sibilyang si Villarin.
Nasamsam sa pinangyarihan ang isang hindi lisensyadong ARMSCOR cal. 45, isang wala ring lisensyang cal. 38 revolver na gamit ng suspek, mga bala, cartridge ng armas at ang marked money na ginamit sa buy bust operations.