Mahigit 1 milyon apektado... 21 patay kay Ruby
MANILA, Philippines – Nasa 21 katao na ang naiuulat na nasasawi sa paghagupit ng bagyong Ruby partikular sa Visayas Region.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama, dalawa sa mga nasawi ay sa hypothermia sa Iloilo na sina Thea Rojo, 1; at Ernesto Baylon, 65.
Tumaas naman sa 230,569 pamilya o kabuuang 1,0666,141 katao ang apektado ng bagyo sa Region IV B, V, VI, VII,VIII at CARAGA Region.
Subalit, hindi pa kasama rito ang libong pamilya na inilikas sa National Capital Region (NCR).
Posible pa anyang tumaas ang death toll habang hinihintay pa ng nasabing ahensiya ang report mula sa mga lalawigang nasira ang linya ng komunikasyon partikular na sa Eastern Samar.
Iniulat naman ng Office of Civil Defense (OCD) Region VI ang pagkasawi ng 14 anyos si Jimmy Cardente na nakuryente sa Brgy. Cerdena, Malabuyoc, Cebu at isa pang inaalam pa ang pagkakakilanlan na nasawi sa hypothermia sa bayan ng Bogo.
Sa Eastern Samar ay may siyam ang naitalang nasawi kung saan isa sa grabeng pininsala ang bayan ng Dolores.
Isa ang namatay sa bayan ng Dolores kung saan nag-landfall si Ruby noong Sabado ng gabi.
Kabilang pa sa mga nasawi ay isang mag-asawa sa bayan ng Taft na nadaganan ng puno ng niyog ang bahay, isa sa Hernani, isa sa Magsaysay, dalawa sa Catarman, isa sa Sulat at isang 2 anyos na batang lalaki na nadaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Calbayog City.
Nasa 2,663 pasahero naman, 94 behikulo, 644 rolling cargo at tatlong bangkang de motor ang stranded sa mga pantalan sanhi ng masamang lagay ng panahon.
Halos nasa 200 domestic at international flight ang kinansela kahapon bunga ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila na tinutumbok ng bagyong Ruby.
Nasa 16 lalawigan din ang dumaranas ng pagkawala ng supply ng kuryente na kinabibilangan ng Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon, Albay, Catanduanes, Masbate, Sorsogon, Camarines Sur, Iloilo, Antique, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, at Southern Leyte.
- Latest