MANILA, Philippines - Kapwa natagpuang patay at naliligo sa dugo ang isang mag-asawang negosyante sa sala ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Purok 1, Brgy. Osmeña, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Leonardo de Vera, 64 at misis nitong si Merlita, 60.
Si Leonardo ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dalawang tama ng bala.
Habang ang misis nitong si Merlita ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa salaysay ng kapitbahay na si Rommel Madi, dakong alas-11:30 ng gabi ay nakarinig siya ng dalawang putok ng baril mula sa bahay ng mag-asawa.
Kaya’t sinilip niya ito at nakita na may dalawang hindi nakikilalang suspek ang nasa bubong ng bahay ng mga mag-asawa na hindi niya nakilala.
Kinaumagahan nang i-report nito sa kanilang barangay ang pangyayari at nang puntahan ang bahay ng mag-asawa ay nadatnan ang mga ito na kapwa patay na.
Sa isinagawang imbestgasyon ng SOCO ay walang nakitang puwersahang pinasok ang bahay ng mag-asawa at nagkalat ang mga kagamitan.
Malaki ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo ng pamamaslang dahil bago nangyari ang krimen ay nag-withdraw sa Rural Bank of Jose Panganiban ang lalaki na posibleng natiktikan.- Francis Elevado-