MANILA, Philippines – Nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang babae sa isinagawang buy bust operation kahapon ng umaga sa Barangay Triangulo, Naga City.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina Gemma Brojal, ng Tinambac at Aileen Piamonte ng Daet, Camarines Norte na nakumpiskahan ng 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Nabatid na nakalagay ang shabu sa dalang kahon ng dalawang suspek mula sa Daet na halos isang taon na isinasailalim sa surveillance bago nadakip.
Samantala, naaresto ng mga elemento ng Eastern Police District ang limang lalaki sa magkakahiwalay na operasyon sa Marikina, Pasig at Mandaluyong kamakalawa.
Ang mga suspek na kinilalang sina Jimmy Montalban, ng Barangay Santolan, Pasig City; Mahid Amer, ng Barangay Tumana, Marikina City at Efren Esparagoza ng Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Si Montalban ay unang naaresto sa paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar at nang inspeksyunin ay nakuha sa kanya ang dalawang pirasong plastic sachet ng shabu.
Si Amer naman ay dinakip ng Marikina Police
Station Anti-Illegal Drugs (SAID) sa isang buy-bust operation sa Lacson Compound Talong St., Barangay Tumana at nakumpiska ang apat na plastic sachet ng shabu.
Si Esparagoza ay inaresto ng mga elemento ng Mandaluyong Anti –Vice Division sa Acasia Lane St., at nakumpiskahan ng shabu.
Naaresto rin ang dalawang lalaki na sina Richard Byers, 38, at Florencio Mantilla, 24, kapwa residente ng Barangay Santolan, Pasig City na unang inaresto dahil sa pag-ihi sa pader at nang kapkapan ay nakumpiskahan ng tig-isang plastic sachet ng shabu.