MANILA, Philippines - Inasatan kahapon ng Departmenf of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine Consulates sa Amerika na pag-aralan ang executive order ni US President Barack Obama kaugnay sa immigration relief na maaaring magsalba sa halos 400,000 undocumented Pinoy sa deportasyon.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na bukas ang pamahalaan sa pagbibigay ni US President Obama ng immigration relief sa mga undocumented migrant kabilang na ang mga Pinoy na makakatugon sa mga ibibigay na kriteria.
“We have asked our foreign service Posts in the US to look into this carefully, and determine how we can best assist our “kababayans” to avail of the protection offered under this proposal,”ani Jose.
Ang executive order ni Obama, amnestiya at pagbibigay ng work permits ang tinitingnang solusyon sa matagal nang problema sa mga illegal alien sa US na siyang papabor sa may milyong illegal immigrants doon na nagmula sa ibat ibang bansa.
Sa rekord noong 2012 ng Commission on Filipinos Overseas, may 271,000 undocumented Pinoy na “tago ng tago” (TNT) sa US.
Partikular ang Amerika sa paboritong puntahan ng mga Pinoy kung saan mayroon nang mahigit tatlong milyong permanenteng migrante mula sa ibat ibang bansa bunsod na rin sa malaking oportunidad na umasensyo at mabigyan ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sa isang live telecast, pinaayos ni Obama ang nasirang immigration system sa Amerika para sa kapakanan ng mga illegal immigrants.