MANILA, Philippines - Patay agad ang isang miyembro ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit nang pagbabarilin habang nagmamando ng trapiko at nag-aantabay sa pagdaan ni Manila Mayor Joseph Estrada, sa Legarda, Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril ang biktimang si PO3 Ronaldo Flores Y Reyes, 46, may asawa, ng no. 439 F. Herbosa St., Tondo, habang patuloy na iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng nag-iisang gunman na nakasuot ng puti na t-shirt, bull cap at armado ng di batid na kalibre ng baril.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-7:00-7:45 ng gabi sa southbound lane ng Legarda st, malapit sa panulukan ng C.M. Recto Avenue, sakop ng Quiapo.
Sinabi ng mga saksi na kinabibilangan ng tatlong tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau sina Joseph Lansangan, 48; Teodoro Tomas, 46; at Raymond Tan, 34, na habang abala sila sa pag-antabay sa pagdaan ni Estrada nang biglang sumulpot ang di umano’y suspek at pinagbabaril ang biktima sa likod, dibdib at malapitang binaril sa sentido, habang naiwan ang Yamaha Mio 125 CC ng biktima sa kalsada.
Gayunman, isinasailalim na ngayon sa malalim na imbestigasyon ang nasabing kaso at kasalukuyang nakalagak sa St. Rich Funeral Services ang bangkay ng biktima.