2 Akyat Bahay Gang, 1 sekyu patay sa barilan

MANILA, Philippines – Napatay sa isang barilan ang  dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Akyat Bahay Gang at isang security guard sa loob ng isang subdibisyon sa Upper Balulang, Cagayan de Oro City kahapon ng madaling-araw.

Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa pagitan ng mga security guard at ng mga miyembro ng Akyat Bahay Gang sa Phase 3, Xavier Estate Subdivision, Upper Balulang ay nahuli ang mga suspek sa akto ng mga nagrorondang security guard na pinapasok ang bahay ng pamilya Alpeche.

Nang sitahin ng mga sekyu ay agad na sila ay pinaputukan ng mga suspek, kung kaya’t gumanti ang mga ito na nauwi sa palitan ng putok.

Namatay ang dalawang suspek na nakilalang sina Aldemar Palconite  at pinsan nitong si Ben Palconite habang nakatakas naman ang iba nilang kasamahan.

Namatay naman habang dinadala sa Dr. Borja Memorial Hospital ang security guard na si Ale­xander Busbos, 26, habang nasugatan ang kasamang si Geran Formeros, 32.

Show comments