MANILA, Philippines – Muli na namang nagkaaberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT)-3 kahapon ng umaga dahil sa basura.
Batay sa ulat, pasado alas-10:00 ng umaga ay kinailangang ihinto ang operasyon sa pagitan ng Magallanes at Taft Ave. stations matapos may sumabit na basura sa kableng nagsusuplay ng kuryente sa mga bagon ng tren.
Mahigit isang oras na tumakbo ang MRT nang mula North Ave. hanggang Shaw Blvd. at pabalik lamang.
Ayon kay MRT-3 General Manager Renato San Jose, kinailangan muna nilang tanggalin ang basura dahil sa pangambang sumabit pa ito sa mga bagon ng tren at magsanhi ng short circuit.
Nakiusap si San Jose sa mga dumadaan sa footbridge sa ibabaw ng MRT na huwag basta-basta magtapon ng basura upang maiwasan ang aberya sa biyahe.