Sa China at Myanmar.. Biyahe ni P-Noy gagastos ng P24-M

MANILA, Philippines – Aabot sa P24 mil­yon ang gagastusin ng gobyerno para sa pagdalo ni Pangulong Noynoy Aquino sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa China at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Myanmar.

Sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., kasama sa budget ang gastos para sa transportasyon, accommodation, pagkain, equipment at iba pang kailangan ng Pa­ngulo at delegasyon nito.

Kahapon ng umaga nang bumiyahe si P-Noy pa-Beijing para sa APEC Leaders’ Summit na magtatagal hanggang Nobyembre 11.

Pagkatapos ay didiretso ang Pangulo sa Nay Pyi Taw para sa ASEAN Summit hanggang Nob. 13.

Kabilang sa dele­gasyon ni P-Noy sa dalawang komperensya sina Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Trade and Industry Sec. Gregory Domingo, Finance Sec. Cesar Purisima, Socio-Economic Planning Sec. Arsenio Balisacan, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.

Makakasama rin sina Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at Social Sec. Susan Arnaiz sa China habang sina Cabinet Sec. Jose Rene Almendras at Press Sec. Herminio Coloma Jr. ay magiging bahagi ng delegasyon sa Myanmar.

Show comments