Agawan sa bahay: Matadero dedo sa bilas

MANILA, Philippines – Namatay noon din ang isang 34-anyos na matadero matapos na barilin ng kanyang bilas sa ulo nang magtalo kung sino ang magmamay-ari ng bahay na kanilang tinitirhan kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Ang nasawi ay kinilalang si Bayani Baron Pensan, ng #15 A, Saint Joseph St., Zone 20, Barangay 201, Kalayaan, Merville ng naturang lungsod, nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kanang sentido.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Victor Andie Sallao, 41, nakatira sa naturang lugar habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lalaking  kasama nito sa  pamamaril.

Sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi sa loob ng nasabing bahay ay dumating si Sallao na may kasamang lalaki at pinalabas nito ang anak ng biktima na si Christian.

Paglabas ni Christian ng bahay ay narinig nito ang dalawang putok ng baril.

Pagbalik ng bata sa loob ng bahay ay tumambad sa kanyang harapan ang duguan at wala ng buhay na amang si Pensan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na may alitan ang biktima at suspek dahil pinag-aagawan nila kung  kanino mapupunta o sino ang magmamay-ari ng bahay na kanilang tinitirhan. 

Show comments