Vendor na may sukbit na ‘baril’ utas sa pulis

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang vendor matapos na barilin ng pulis na sumita sa kanya dahil sa may nakasukbit itong baril kamakalawa sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Valentino Costales, ng 176 JP Rizal Extension, Brgy. Villa Maria Clara, Project 4 sa lungsod.

Ang suspek na si PO2 Ronnie Barandon, 39, may-asawa, miyembro ng District Special Operation Unit ng QCPD at residente sa  Brgy. San Roque ay kusang sumuko.

Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-3:30 ng hapon sa Kalantiyaw St., kanto ng Salalila St., Brgy. Milagrosa, Project 4 ay nagsasagawa ng anti-criminality campaign sa lugar si Barandon sakay ng kanyang motorsiklo nang mapansin si Costales na nag­lalakad na may nakasukbit na baril sa kanyang beywang.

Sinita ni Barandon si Costales, pero sa halip na magpaliwanag ay biglang binunot ng huli ang baril na kalaunan ay nalamang replika lamang at pinaghahataw sa ulo ang una.

Kaya’t binunot ni Barandon ang kanyang baril at pinaputukan si Costales at nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Show comments