MANILA, Philippines - Isang ginang na sakay ng isang kotse na may pekeng plaka ang inaresto matapos masamsam sa kanya ang nasa 3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P18 milyon kamakalawa ng gabi sa Malate, Manila.
Hindi na nakapalag pa ang suspek na si Shiela Adam Somar, 30, nang ito ay makorner ng mga elemento ng Task Force Tugis at Highway Patrol Group (HPG) sa kahabaan ng Agoncillo St., Malate, pasado alas-11:00 ng gabi.
Batay sa ulat, nagmamatyag sa bahagi ng Agoncillo Street ang mga pulis kaugnay ng natanggap na tip tungkol sa mga iskalawag na pulis na nangha-hijack ng sasakyan nang mapansin ang isang kahina-hinalang Toyota Vios (RCC- 796).
Ininspeksyon nila ito at nakita na sakay ng kotse si Somar at nang rekisahin ang sasakyan ay tumambad sa mga otoridad ang tatlong kilo ng shabu na nakasilid sa plastic sa loob ng isang bag.
Sinabi ni Senior Superintendent Ronald Lee, chief of Task Force Tugis na ayaw sabihin ni Somar na residente ng Soler St., Binondo, Maynila kung saan niya kinukuha ang mga shabu.
Nang iberipika sa Land Transportation Office (LTO) E-Mobile Query Tool ang kotse ni Somar nabatid na ang plaka sa kanyang kotse ay nakarehistro sa isang Mitsubishi Delica van model 1994.
Nakatakdang kasuhan si Somar ng paglabag sa illegal na droga.