MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 24-anyos na rider habang malubha naming nasugatan ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo nang maaksidente habang nagkakarera sa motorsiklo sa Pasig City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing si Dondon Cupas, 24, habang sugatan naman ang dalawa pang kasamahan nito na sina Dennis Ladao, 34, construction worker at Paolo Pupa, 19, pawang residente ng West Bank Road, Barangay Maybunga, Pasig City.
Sa ulat dakong alas-2:24 ng madaling araw sa kahabaan ng F. Legaspi Avenue, kanto ng M. Eusebio Avenue, Barangay Maybunga ay nagkayayaan ang mga biktima na nag-iinuman na magkarera sa West Bank Road.
Ayon sa mga nakasaksi, sobra umanong bilis ng takbo ng kanilang mga motorsiklo hanggang sa makita na lang na nawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Cupas matapos na bumangga sa Meralco post at tumilapon.
Dahil sa gulat sa naganap sa kaibigan ay nawalan na rin umano ng kontrol ang kasunod na motorsiklo na sinasakyan nina Pupa at Ladao at sila ay sumemplang.