MANILA, Philippines - Namatay ang tatlong batang lalaki matapos na masalpok ng isang truck habang naglalaro sa nakaparadang jeep kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Ang mga biktima na nasawi dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan ay kinilalang sina Jabez Marlo Gestupan, 9; Jerwin Mendoza,7: at Adrian Boyson,6, pawang mga residente ng Barangay 176, Bagong Silang ng lungsod.
Ang suspek na agad nadakip ay kinilalang si Randy Molo, 30, residente ng Quickway St., Barangay Pajo, Meycauayan, Bulacan at kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon sa kahabaan ng Phase 10B, Block 5, Barangay 176, Bagong Silang ay masayang naglalaro ang mga bata malapit sa nakaparadang jeep (UVD-879).
Ilang sandali ay bigla na lamang sumulpot ang truck na minamaneho ng suspek na Fuso Canter (REN-265) at sinalpok ang jeep na kung saan ay naipit ang mga bata.
Ayon sa driver nawalan umano siya ng preno at hindi na nakontrol ang manibela kaya’t tuloy-tuloy na nasalpok ang mga bata na naglalaro sa likod ng nakaparadang jeep.