MANILA, Philippines - Tatlong notoryus na drug pushers ang nasawi habang dalawa ang nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) nang isagawa ang pagsalakay sa lungga ng mga una sa Zambales, kamakailan.
Sa ulat na nakarating kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. isa lang ang natukoy sa mga suspek na nakilalang si Jun-jun Jackaria, habang inaalam pa ang pagkakakailanlan ng dalawang nasawi. Ang mga nadakip naman ay sina Jessica Taralus, alyas Anna, 41 at Abdul Abdurasid, alyas Manong, pawang mga residente sa Brgy. 6-B, Brgy. Calapacuan, Zambales.
Isinagawa ang pagsalakay batay sa isang search warrant na inisyu ni Honorable Norman Pamintuan ng Regional Trial Court Branch 73, Subic, Zambales laban kina Jackaria at kasamahan nito, ganap na alas 5:45 ng madaling araw kung saan nanlaban ang mga suspek kaya nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga ito at ng pulisya.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 14 na plastic sachet na naglalaman ng shabu, assorted drug paraphernalia, isang kalibre .45 pistola na walang serial number, isang kalibre .22 pistola, isang kalibre .38 revolver, isang air rifle, tatlong piraso ng bala ng kalibre .38, isang piaso ng bala ng .45 at apat na piraso ng bala ng kalibre .22.
Sina Taralus at Abdurasid ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), at Section 12 (Possession of Equipment and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Karagdagang kaso ang paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).