PNP Dir. Purisima: Napakalinis ng konsensiya ko!

MANILA, Philippines - Pinanindigan kahapon ni Philippine National Police C/Director General Alan Purisima na malinis ang kanyang konsensiya sa gitna ng kaliwa’t kanang pagbatikos ng mga kritiko hinggil sa umano’y taglay nitong hindi maipaliwanag na yaman.

“Malinis ang aking konsensya, napakalinis po ng aking konsensya, mali­nis na malinis po,” pahayag ni Purisima sa pagharap nito sa PNP Press Corps sa press brie­fing sa  Camp Crame kahapon. 

Kasabay nito, pinasa­lamatan ni Purisima si Pa­ngulong Benigno Aquino III sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob nito sa kaniya.

Si Purisima ay inulan ng kontrobersya sa renovation ng “White House’, ang official na bahay nito na umaabot ng mahigit P11 milyon pero ayon sa kritiko ng opisyal ay nasa P25 milyon ito na mula sa donasyon ng mga maiimpluwensyang personalidad.

Inuulan rin ng pagbatikos ang umano’y mansion ni Purisima sa San Leonardo, Nueva Ecija na umano’y nagkakahalaga ng P3.7 milyon pero sa pagtaya ng mga kritiko ng PNP Chief ay aabot ito ng halos P 50 milyon.

Bukod dito ay ang magagarbong sasakyan ni Purisima kabilang ang nabili nitong Toyota Prado sa discount na P 1.5 M pero ang orihinal na presyo ay P4M.

Una nang ibinunton ni Purisima ang sisi sa isang sindikato umano sa PNP-Firearms and Explosives Division (PNP-FED) na nasa likod umano ng paninira sa kaniyang pangalan at kredibilidad kung saan aminado itong apektado ang buong organisasyon ng PNP.

Hindi rin napigilan ni Purisima na ibulalas ang kaniyang hinanakit sa ilang personalidad sa media tulad nina Ted Failon, Vic Lima, Karen Davila, Anthony Taverna,  Noli de Castro at iba pa pawang ng ABS-CBN at DZMM sa pagbatikos sa kaniyang bahay na sinasabi ng mga itong mansiyon gayong sa katotohanan aniya ay isa lamang itong ordinaryong bahay.

 Sinabi ni Purisima na ang kabuuang floor area ng kaniyang bahay ay sumusukat lamang ng 204 square meters at base sa kaniyang tax declaration ang assessment nito ay nasa 818,260 ang market value  o nasa P2.37 M.

Aniya, aerial shot ang nakunan sa kaniyang bahay kaya mukhang “lu­xury mansion” at handa siyang ipakita ang loob nito para ang media mismo ang humusga at ng lumitaw ang katotohanan sa publiko.

Aniya, nabili ang lupa na kinatatayuan ng kontrobersiyal na mansion noong 1998 at unti-unti lang itong ipinaayos. Wala rin katotohanan ang ipinalabas ng mga kritiko na Olympic size ang kaniyang swimming pool dahilan ang sukat nito ay nasa 7.5 x 15  meters lamang.

Kaugnay nito, isiniwalat ni Purisima na nais siyang ilaglag ng mga opis­yal na nais sulutin ang kaniyang puwesto bilang PNP Chief at bagaman hindi niya ito direktang tinukoy ay lumilitaw na ang mga aspirante sa pagka-PNP Chief.

 

Show comments